Posts tagged "Pinoy"

UNDAS 2011

Dahil ang layo ng libingan ng aming mga kamag-anak na yumao na, isa sa paraan ng pag-alala namin sa kanila ay ang pag-aalay ng pagkain para sa kanila.

Tuwing sumasapit ang undas, hindi nawawala sa “menu” na aming inihahain para sa aming mga yumaong mahal sa buhay ay ang suman at itlog. Naging tradisyon na sa pamilya namin ang pagluluto ng mga pagkaing ito. Ngayong taon, nadagdagan ng cupcake ang inihanda namin para sa kanila. 

Sa totoo lang, paborito kasi naming magkakapatid ang mga cupcakes na yan kaya naisipan ng lolo ko na bigyan na rin ang dapat naming alayan.

Ang tradisyon ng pamilya namin na pag-aalay ng pagkain ay katulad din sa tradisyon ng mga Greek. Kung nagbabasa kayo ng mythology, ang mga tao ay nagbibigay pugay sa kanilang mga diyos at diyosa sa pag-aalay ng pagkain o kaya nama’y pagsusunog ng parte ng kanilang pagkain. Ang mga pagkaing ‘yon raw ay kinakain din ng kanilang mga diyos at diyosa tulad nila Zeus, Aphrodite at iba pa.

Isa pa sa ginagawa nating mga Pinoy ay ang pagsindi at pagtitirik ng kandila sa puntod, altar o kaya nama’y sa harapan ng ating bahay.

Mapuntahan man natin ang puntod ng ating mga yumaong mahal sa buhay o kaya nama’y maalayan man lang natin sila ng kandila, pagkain o kahit maiksing dasal; ang mahalaga ay naalala natin sila ngayong araw na ito.

(Source: eriannmeri)

“Ang haba naman ng pila!”

Yan ang kadalasan nating dinadaing o sinasabi kapag pumipila tayo sa mga opisina, paaralan at at iba pang pampublikong lugar. Kahit nga sa palikuran, pumipila pa tayo. Kahit sasabog na ang pantog mo, kailangan mo pang mag-antay.

Pwede nating ihalintulad ang pag-pila sa kalagayan ng bansa natin.

Mabagal at makupad. Yan ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mahabang pila. Mabagal at makupad na serbisyo, mabagal at makupad na pag-usad ng mga tao. Mabagal at makupad na pag-unlad ng bansa.

Sa pag-pila mo, marami ka ring mapapansin. Nandyan yung gustong mapadali ang buhay sa pamamagitan ng pagsingit (walang disiplina); nandyan yung maagang pumipila na kulang na lang ay maglagay ng masisilungan sa pwesto niya wag lang maunahan (maagap); at nandyan rin ang mga naghihintay lang na gumalaw ang pila para makarating sa pupuntahan.

Pipila at mag-aantay pa ba tayo ng matagal sa pag-unlad ng Pinas?

(Source: eriannmeri)